Sa Tabi Ng Dagat
ni: Ildefonso
Santos
Marahang-marahang
manaog ka,irog, at kaya'y lalakad,
maglulunoy katang
Payapang-payapa SA tabi ng dagat;
Di Na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong Na wari'y kinuyom ng rosas!
Manunulay kata,
habang maagapa pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
ngunit walang ingay,
hanggang sa sumapit sa tiping buhangin. . .
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nangingimi,
gaganyakin kita
sa nangaroroong mga lamang-lati;
doon ay may tanong,
talaba't halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapithapon,
kata'y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw. . .
Talagang ganoon:
Sa dagat man,Irog, ng kaligayahan,
lahat,pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan. . .

No comments:
Post a Comment